Thursday, January 15, 2026

Korte na naglabas ng arrest warrant laban kay Atong Ang, hindi na kailangan maglabas ng resolusyon sa naging basehan ng kaso

Itinuturing ng Department of Justice (DOJ) na sumang-ayon ang hukom ng Regional Trial Court Branch 26 sa resolusyon ng kagawaran na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kaso laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pa.

Ito ay kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Paliwanag ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi na kinakailangang maglabas pa ng hiwalay na resolusyon ang korte na nagpapaliwanag sa naging basehan ng pag-isyu ng warrant of arrest.

Aniya, alinsunod sa Rules of Court, obligadong magsagawa ang hukom ng masusing pagsusuri sa kaso batay sa resolusyon ng DOJ–National Prosecution Service.

Gayunman, giit ni Martinez, karaniwan nang hindi na naglalabas ng detalyadong paliwanag ang korte sa ganitong uri ng mga desisyon.

Dagdag pa niya, sa ilalim ng batas, mas mataas ang antas ng ebidensiyang kailangang ipakita ng prosekusyon upang maisampa ang kaso sa korte—ang tinatawag na prima facie evidence with reasonable certainty of conviction.

Samantala, para naman sa pag-isyu ng warrant of arrest, sapat na ang pagkakaroon ng probable cause, o makatwirang paniniwala na may nagawang krimen at may taong sangkot dito.

Facebook Comments