Ipinag-utos na ng korte ang pag-aresto sa siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong Hunyo.
Ayon kay Office of the Prosecutor General Spokesperson Atty. Honey Delgado, ang arrest warrant ay iniisyu ng Jolo, Sulu Regional Trial Court kahapon.
Aniya, Biyernes diringgin ng korte ang mosyon ng prosecutor para sa hold departure order laban sa mga akusado.
Sinasabing na-delay ang paglalabas ng arrest warrant laban sa siyam na pulis dahil hindi makabalik sa korte ang judge na naka-assign sa kaso dahil nakasailalim sa lockdown ang Sulu.
Nabatid na isinailalim sa lockdown ang Sulu simula January 4 hanggang 17 para mapigilan ang pagpasok ng bagong variant ng COVID-19 na nad-detect sa kalapit nitong Sabah, Malaysia.
Una nang na-dismiss sa serbisyo ang siyam na pulis at kalauna’y pinalaya mula sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kawalan ng arrest warrant.
Nahaharap sila sa mga kasong murder at planting of evidence.