Inatasan ng Baguio City Regional Trial Court ang Cordillera Police na itigil na ang red tagging nito laban sa mga itinuturing na komunista sa rehiyon.
Sa tatlong pahinang kautusan ni Presiding Judge Emmanuel Cacho rasing ng Baguio City RTC Branch 3, inatasan ang Police Regional Office Cordillera (PRO-COR) Camp Bado Dangwa sa La Trinidad, Benguet at si PRO-COR Regional Director Police Brigadier General Rwin Pagkalinawan na sumunod sa kautusan sa loob ng limang araw.
Mahigpit ang kautusan ng hukom na habang nakabinbin ang petition, pinatitigil ang mga otoridad sa pagpo-post sa social media na nagbabansag sa mga petitioner at sa kanilang organisasyon bilang mga communist terrorist o NPA-CPP recruiters.
Nakasaad din sa kautusan na sa susunod na pagdinig ay tatalakayin ang merito ng kahilingan na atasan ang Cordillera PNP na tanggalin ng pulisya ang lahat ng paglalathala o mga post sa social media laban sa mga petitioner.
Itinakda ng korte ang muling pagdinig sa petition sa Marso 29, ala-1:30 ng hapon.
Kabilang sa petitioners sina Christian Dave “Happy” B. Ruz, Deanna Louisse C. Montenegro, Leandro Enrico T. Ponce, at Keidy M. Transfiguracion.