Sa botong 12-2-1, idineklara nang unconstitutional ng Supreme Court ang Tripartite Agreement para sa Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) ng China National Offshore Oil Corporation (CNOOC), Vietnam Oil and Gas Corporation (PETROVIETNAM), at Philippine National Oil Company (PNOC).
Sakop ng agreement ang South China Sea area na nasa 142,886 square kilometers.
Ayon sa SC, labag sa konstitusyon ang JSMU na nagpapahintulot na lumahok sa exploration o paggalugad ng mga likas na yaman ng bansa ang mga dayuhang korporasyon nang hindi sinusunod ang mga proteksyong ibinigay sa Art. 12 Sec. 2 ng 1987 Constitution.
Matatandaang sina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo at Teddy Casiño ang naghain ng petisyon na nangangatwiran nilabag ng JMSU ang Art. 12 Sec. 2, na nag-uutos na ang pagsaliksik, pagpapaunlad at paggamit ng mga likas na yaman ay nasa ilalim lamang ng ganap na kontrol at pangangasiwa ng estado.
Sa ruling ng SC, ang JMSU ay sangkot sa paggalugad ng mga likas na yaman ng bansa, partikular na ang petrolyo na binanggit na ang terminong “exploration” ay tumutukoy sa isang paghahanap o pagtuklas ng isang bagay sa parehong karaniwan o teknikal na kahulugan nito.
Pinaboran ni Justice Samuel Gaerlan, CJ Gesmundo at 10 iba pang mahistrado ang petisyon habang tinutulan naman ito ni Justices Lazaro-Javier at Zalameda at nag-abstain si Justice Hernando.