Manila, Philippines – Mariing iginiit ni House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali na hindi pwedeng pakiaalaman ng Korte Suprema ang impeachment complaint laban kay COMELEC Chairman Andres Bautista.
Ito ay kasunod na rin ng banta ng kampo ng mga complainants sa pangunguna ni Atty. Manny Luna na iaakyat sa Supreme Court ang pagbasura ng Kamara sa reklamo laban kay Bautista.
Minaliit ni Umali ang plano ng mga complainants at sinabing labas ito sa judicial review kaya hindi pwedeng pakialaman kahit ng Korte Suprema.
Giit nito, ang mandatong manguna sa impeachment proceeding ay nakaatang sa Kamara habang sa Senado naman ay para maglitis sa ipinapatalsik na opisyal kaya hindi pwedeng panghimasukan ito ng Supreme Court.
Sinalag din ni Umali ang katwiran ni Luna na nagkaroon ng grave abuse of discretion sa kanilang panig dahil malinaw naman na idinaan ng komite sa demokratikong proseso ang complaint laban kay Bautista.