
Walang pananagutan sa medical malpractice ang isang doktor na nagbigay ng tamang medical advice at ipinaliwanag nang maayos ang panganib ng isang isasagawang procedure nang may pahintulot.
Ito ang binigyang diin ng Korte Suprema matapos pagtibayin ang desisyon na nagbabasura sa kaso laban sa isang doktor ng Philippine Heart Center na nasawi ang pasyente.
Kinasuhan ng medical malpractice si Dr. Avelino Aventura, Head ng Philippine Heart Center Surgery Department dahil sa pagkamatay ng kaniyang pasyenteng si Quintin Que.
Pinayuhan ni Aventura ang pasyente na sumailalim muna sa heart bypass operation bago tugunan ang kaniyang aneurysm.
Naging matagumpay ang bypass operation pero lumala ang aneurysm kaya dito na binigyan ng doktor ang pasyente ng dalawang opsyon: ang pagsalang sa open-chest surgery o ang stenting procedure.
Pumayag ang pamilya Que sa stenting kahit walang kasiguraduhan na gagaling ito at may kalakip na panganib na posibleng mauwi sa pagkamatay ng pasyente.
Inirekomenda ni Aventura si Que sa specialist na siyang gumawa ng procedure pero nagresulta ito sa stroke at hindi na nagising pa matapos operahan.
Pero sa desisyong isinulat ni Retired Associate Justice Mario Lopez, iginiit ng SC na hindi nagpabaya si Aventura at walang naging medical malpractice.
Nangyayari aniya ito kapag nabigo ang doktor na asikasuhin ang pasyente at hindi ipinaalam ang mga posibleng mangyari.
Sa concurring oopinion naman ng Senior Associate Justice Marvic Leonen, binigyang diin nito na hindi natatapos sa pag-refer sa espesyalista ang tungkulin ng doktor sa pasyente.









