Korte Suprema, inatasan ang PCSO na ibigay ang premyo ng lotto winner na nasunog ang ticket

Inatasan ng Korte Suprema ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ibigay sa lotto winner ang napanalunan nitong higit ₱12 million kahit bahagyang nasunog ang lotto ticket nito dahil sa plantsa.

Sa 17 pahinang desisyon ng second division, ibinasura ng Korte ang petition for review on certiorari ng PCSO na humiling na mapawalang-bisa ang resolusyon ng Court of Appeals (CA) na nagpatibay sa desisyon ng Balayan, Batangas Regional Trial Court kung saan iniuutos sa PCSO na ibigay sa respondent ang ₱12,391,600 jackpot prize sa Lotto 6/42.

Batay sa rekord ng kaso, October 2014 nang manalo si Mendoza sa Lotto 6/42 draw sa pamamagitan ng “lucky pick.”


Nalukot ang kaniyang winning ticket matapos mapaglaruan ng kaniyang apo kung kaya’t plinantsa ito ng anak ni Mendoza ngunit nangitim lamang ito at tanging makikita na lang ay ang unang dalawang digits ng tatlong bet combinations, ang outlet kung saan nabili ang ticket, ang draw date, petsa at oras kung kailan nabili ang ticket.

Agad nagtungo si Mendoza sa opisina ng PCSO sa Mandaluyong City upang iprisinta ang bahagyang nasunog na ticket.

Inatasan ng ahensya si Mendoza na magsumite ng handwritten account sa buong pangyayari at isumite sa legal department.

Matapos ang ilang araw sinabihan ng PCSO si Mendoza na hindi niya makukuha ang premyo dahil nasira na ang ticket at hindi na ma-validate.

Ayon sa SC, hindi nagkamali ang RTC at CA na tanggapin bilang secondary evidence ang bahagyang nasunog na lotto ticket.

Facebook Comments