Itinanggi ng Korte Suprema na nagkaroon ng security breach sa kanilang mga datos at impormasyon.
Ito ay matapos lumabas sa social media na nabiktima umano ng data breach ang Supreme Court (SC) at na-expose ang mga sensitibong legal data gaya ng mahigit 13,000 records kabilang na ang pangalan, mga kaso at impormasyon mula sa Judicial Electronic Payment System.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, agad naglunsad ng imbestigasyon ang SC at ang kanilang service provider kanina at lumalabas na walang anumang indikasyon na nakompromiso ang kanilang mga datos.
Sa kabila nito, paiigtingin pa rin aniya ng Supreme Court ang imbestigasyon at muling magsasagawa ng Vulnerability and Penetration Testing assessment.
Muli ring siniguro ni Atty. Ting na prayoridad ng Korte Suprema ang cybersecurity sa gitna ng ginagawang digitalization ng proseso ng mga korte sa bansa.