Korte Suprema, may paglilinaw sa ibinibigay na immunity sa mga miyembro ng international organizations

Nilinaw ng Korte Suprema na para lamang sa mga official capacities ang immunity na ibinibigay sa mga opisyal at kawani ng international organizations.

Kasunod ito ng ruling ng Supreme Court En Banc kung saan pinagtibay nito ang pagbasura sa reklamong inihain ni Matthew Westfall laban sa mga opisyal ng Asian Development Bank (ADB) na sina Maria Carmela Locsin at iba pa.

Nag-ugat ito nang mag-apply si Westfall sa posisyon ng Technical Advisor sa ADB pero hindi napili.


Matapos nito ay sinabi ni Westfall na nakasira sa kaniyang reputasyon ang mga pahayag sa Panel Notes and Interview Report nina Locsin at iba pang miyembro ng ADB Screening Committee kaya naman naghain siya ng kaso sa Makati City Regional Trial Court.

Ibinasura naman ito ng RTC sa kadahilanang may functional immunity sina Locsin dahil ginawa ito sa kanilang official capacities o bilang parte ng kanilang trabaho.

Ayon pa sa korte, ibinibigay ang immunity sa mga miyembro ng international organizations para maprotektahan sila mula sa political pressure at magawa nang maayos ang tungkulin.

Nakasaad dito na para lamang ito sa mga ginagawa sa trabaho at hindi sa mga personal na bagay sakaling mapatunayang lumabag ang mga ito sa batas.

Facebook Comments