Korte Suprema, may paglilinaw sa parental authority ng mga illegitimate children

Nilinaw ng Korte Suprema na mga lolo at lola ang awtomatikong sasalo ng “parental authority” ng mga anak ng hindi kasal na magulang sakaling mamatay o takbuhan ng ina ang kanyang responsibilidad sa anak.

Sa desisyon ng Supreme Court 2nd Division na pirmado ni Assoc. Justice Antonio Kho Jr., iginiit ang nakasaad sa Article 214 ng Family Code na nagtatalaga ng “substitute parental authority” sa mga lolo at lola kapag namatay at hindi pinanagutan o hindi naging angkop na magulang ang ina sa anak.

Gayunman nilinaw ng korte na hindi tinatanggalan ng parental authority ang ama ng bata, kung una nang iginawad sa kanya ang legal custody ng anak.


Binaligtad ng Korte Suprema ang mga naunang desisyon ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 73 at Court of Appeals na nagbasura sa mosyon ng lolo at lola ng isang bagong silang na sanggol kontra sa paggawad ng kustodiya niya sa kanyang dayuhang ama matapos pumanaw ng kanyang ina.

Ayon sa mga mahistrado, bigong ikonsidera ng mga korte ang argumento ng lolo at lola kaugnay ng seguridad at kaligtasan ng bata dahil sa mga hinaharap na kaso ng kanyang ama sa ibang bansa.

Bigo rin umano ang mga korte na kilalanin ang karapatan ng lola at lola sa substitute parental authority dahil hindi naman kasal ang magulang ng bata.

Ibinalik ng Korte Suprema sa RTC ang kaso at inatasang ikonsidera ang mga nabanggit na dahilan at panuntunan sa Custody of Minors sa pagresolba ng kaso.

Facebook Comments