Nilinaw ng Korte Suprema na “entitled” o may karapatan pa ring makapag-avail ng mga benepisyo ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang mga persons deprived of liberty na convicted sa mga heinous crimes.
Ito’y matapos ideklarang invalid ng Korte ang inilabas na implementing rules and regulation ng Department of Justice (DOJ) para sa inamyendahang GCTA law noong 2019.
Ayon sa Korte, tila nasobrahan ang DOJ sa paggamit ng kapangyarihan nito sa “subordinate legislation” nang hindi ikonsiderang kwalipikado sa mga benepisyo ng Republic Act (RA) No. 10592 o New GCTA law ang mga convicted sa heinous crimes, gayundin ang mga recidivists, habitual delinquents, at mga tumakas sa kulungan.
Pinuna ng SC En Banc ang ginawang pagpapalawig ng DOJ sa saklaw ng IRR gayong malinaw sa ilalim ng batas na pinapayagang makapag-ipon ng GCTA credits ang mga may mabibigat na kasong kriminal.
Iginiit din ng Korte na sa ilalim ng batas, may karapatan sa GCTA ang sino mang convicted prisoner basta’t siya ay nakapiit sa penal institution, rehabilitation o detention center, o sa kahit anong local jail facility.
Magugunitang naging kontrobersyal noong 2019 ang GCTA matapos makalaya ang halos 2,000 convicted sa heinous crimes matapos i-recompute ang kanilang GCTA credits.