Korte Suprema, muling kinalampag na huwag ipagpaliban ang halalan

Muling sumugod sa Korte Suprema ang ilang grupo mula sa Bangsamoro para kalampagin na atasan ang Commission on Elections (COMELEC) na ituloy ang halalan sa October 13.

Nagtipon-tipon muna ang mga miyembro ng League of Bangsamoro Organization sa tanggapan ng COMELEC bago magtungo sa Supreme Court sa Padre Faura.

Dito ay muli silang nanawagan na huwag suspendihin ang kauna-unahang Parliamentary Elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sinabi ni Datuan Magon, tagapagsalita ng grupo na nagagamit umano ng ilang pulitiko ang isyu para sa kanilang pansariling interes.

Mapayapa namang natapos ang kanilang kilos-protesta sa harap ng SC pasado alas-10:30 ng umaga na dinaluhan ng 300 miyembro.

Una nang sinabi ng poll body na umiiral pa rin ngayon ang campaign period para sa BARMM elections kung saan nasa 2.3 million ang mga botante.

Ang sinuspinde lamang anila ay ang kanilang internal preparations dahil na rin sa inilabas ng SC na Temporary Restraining Order kaugnay sa BAA 77 na naglilipat sa pitong parliamentary district seats na orihinal na nakalaan para sa Sulu noong bahagi pa ito ng BARMM.

Facebook Comments