Sa ikalawang pagkakataon, muling pinagpapaliwanag ng Korte Suprema si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Acosta kung bakit hindi siya dapat patawan ng disciplinary action, bilang miyembro ng Bar.
Ito ay matapos magpalabas ni Acosta ng PAO Office Order No. 096, series of 2023, para sa mga abogado ng PAO na sumunod sa umano’y conflict of interest na probisyon ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).
Ayon sa SC, nakakabastos umano ang ginawang aksyon ni Acosta.
Pinaalalahanan kasi ng Office Order 096 ang mga abogado ng PAO patungkol sa pagtataksil sa tiwala at pagbubunyag ng mga sikreto ng mga abogado para maprotektahan ang kanilang buhay.
Para sa korte, ito ay nag-uudyok sa mga abogado na sumuway at gumawa ng kasalanan.
Matatandaang naunang ibinasura ng Supreme Court En Banc ang kahilingan ni Acosta na tanggalin ang Section 22, Canon III ng CPRA, na nagsasabing maaari nang maging kinatawan ng magkalabang partido sa isang kaso ang PAO lawyers.
Ipinaalala ng SC sa PAO na ang pangunahing mandato nito ay magkaloob ng libreng legal assistance sa mga maralita.