Korte Suprema, naglabas na ng pormal na kautusan sa pamamagitan ng paglilitis ng mga kaso via video conference

Naglabas na ng kautusan ang kataas-taasang hukuman sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator para sa pagpapatupad na ng video-conferencing sa mga  pagdinig sa lahat ng hukumang sakop ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at General Community Quarantine (GCQ).

Sa ilalim ng OCA Circular No. 93 – 2020, inaatasan ang lahat ng alagad ng korte sa first and second level pilot courts, at mga miyembro ng bar na sundin at pairalin ang Supreme Court Administrative Circular no. 37 – 2020 sa pilot testing ng mga pagdinig sa mga criminal cases na kinasasangkutan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) gamit ang video-conferencing.

Ilan sa mga mahalagang isinasaad ng kautusan ay gamitin lamang ang video-conferencing sa mga urgent matters at gagawin lamang sa panahon na umiiral ang public health emergency.


Kailangan din aniyang sundin ang lahat ng stages ng paglilitis sa mga bagong naisampang kaso, nakabinbing kaso kasama ang pagsasagawa ng arraignment at pagbasa ng hatol, pagpipiyansa, pre-trial, at ang hinggil sa urgent matters sa mga kasong kriminal ng mga PDLs.

Ang mga akusadong pansamantalang nakalalaya na dahil sa piyansa, o napagkalooban ng recognizance ay hindi maaaring maka-avail ng videoconferencing.

Nakasaad din sa kautusan na sakaling maharap sa problemang teknikal sa paggamit ng video-conferencing, binibigyang laya o diskrisyon ang humahawak na hukom sa kaso kung sususpendihin ang pagdinig.

Pinagsusumite din ng OCA ng weekly report ang mga korteng nagsagawa ng video-conferencing hearing sa pamamagitan ng pag-email na naka-address sa Deputy Court Administrator at Assistant Court Administrator, at copy furnished sa Court Management Office.

Facebook Comments