Korte Suprema, nagtayo ng ECU para sa mga tauhan ng Hudikatura na tinamaan ng COVID-19

Nagtayo ang Supreme Court ng Emergency Care Unit (ECU) sa compound nito sa Maynila para sa mga empleyado ng Hudikatura na tinamaan ng COVID-19.

Inaprubahan na rin ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang guidelines sa paggamit ng Supreme Court Gymnasium bilang ECU.

Kabilang sa maaaring tanggapin sa ECU ang mga empleyado ng Mataas na Hukuman at ng third level courts na naghihintay na ma-admit sa pagamutan o di kaya ay naghihintay ng referral sa quarantine facilities.


Kasama rin dito ang mga empleyado ng Court of Appeals (CA), Sandiganbayan (SB) at Court of Tax Appeals na asymptomatic at ang may mga mild o moderate symptoms na walang mapuntahang ospital o quarantine facilities.

Kukuha naman ang Korte Suprema ng medical personnel para sa Emergency Care Unit na pangangasiwaan ng Supreme Court Medical at Dental Services (SC-MDS).

Facebook Comments