Korte Suprema, nakiisa sa pagdiriwang ng pagtatapos ng buwan ng Ramadan

Nagpaabot din ng pagbati ang Korte Suprema sa mga kapatid na Muslim na nagdiriwang ngayong araw ng Eid’l Fitr kasunod ng pagtatapos ng buwan ng Ramadan.

Sa isang mensahe, sinabi ni Associate Justice Japar Dimaampao na hindi lang basta simpleng okasyon ng pagtatapos ng buwan ng ayuno ang Eid’l Fitr, kundi simbolo rin ng katatagan sa gitna ng mga pagsubok sa pananampalataya.

Sinasagisag din daw nito ang malasakit at pagpapatawad, at pagpapakita ng pasensya at pagsisikap sa harap ng mga hamon at paghihirap.


Dagdag pa ni Justice Dimaampao, naging pagkakataon din ito para magpamalas ng awa, pagmamahal, at pagtulong sa mga kapos-palad.

Hinimok ng hukom ang mga kapwa Muslim na isabuhay ang mga aral ng Ramadan gaya ng pagpapakumbaba, kabutihan, at debosyon sa Diyos.

Si Dimaampao ang natatanging Muslim sa kasalukuyang hanay ng mga associate justice, at ikalawang Muslim Justice sa kasaysayan ng Korte Suprema mula 1987.

Sa tala ng Manila Police District (MPD), umabot sa higit 1,500 Muslim ang nagtipon sa Quirino Grandstand kaninang umaga para salubungin ang selebrasyon ng Eid’l Fitr habang mahigit 5,000 naman ang lumahok sa aktibidad sa Golden Mosque sa Quiapo.

Facebook Comments