Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Korte Suprema hinggil sa isyu ng mga tauhan ng Korte na umano’y naimpluwensyahan ng mga operator ng POGO.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, wala silang natanggap na positibong resulta sa ginawang paunang imbestigasyon sa mga tauhan ng Korte na iniuugnay sa mga POGO operator.
Ito’y kasunod ng nangyaring raid sa POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga noong Hunyo kung saan nakatakas ang ilang POGO employees matapos makatunog sa operasyon.
Sinabi ni CJ Gesmundo, bagama’t walang natatanggap na impormasyon, magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Korte Suprema sa isyu at mananatiling bukas ang mga linya ng Korte Suprema para sa mga may impormasyon o sumbong kaugnay ng isyu.
Ang pahayag ng punong mahistrado ay kasunod ng nakatakdang deadline sa December 31 ng kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na total ban sa mga POGO.
Kaugnay nito, muling pinaaalalahanan ng Chief Justice ang mga empleyado ng Korte at mga hukom na huwag pumasok o makipag-ugnayan sa mga aktibidad na maaaring magkompromiso sa integridad ng Korte at hudikatura.
Pinag-iingat na rin niya ang mga Korte sa pag-iisyu ng search warrants sa law enforcement agencies para maiwasan ang pagkalat ng impormasyon upang hindi makompromiso ang mga pagsisilbi ng warrant.