Pinagkokomento ng Korte Suprema ang respondents sa petisyon na layong harangin ang paglilipat ng halos P90 billion na pondo ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth sa pambansang budget ngayong taon.
Ito ay makaraang ihain noong August 2 sa SC nina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, Philippine Medical Association (PMA) at walong indibidwal ang petisyon para huwag ituloy ng kongreso ang pagbabalik ng pondo dahil sa pagiging unconstitutional.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, may sampung araw ang respondents upang magkomento kaugnay sa petisyon.
Sa panig ng petitioners, hindi nararapat na ilipat ang sobrang pondo at ilaan sa ibang proyektong tutukuyin ng House of Representatives sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
Nakasaad sa petisyon sa Korte Suprema na dapat ibalik ang mga nailipat nang pondo at huwag nang payagan ang iba pang susunod na diversion.
Ang unprogrammed funds ay tinutukoy ng Department of Budget and Management bilang standby funds na gagamitin sa hindi inaasahang mga gastos at wala sa ilalim ng inaprubahang government fiscal program.
Sa ngayon, nasa 20 billion na ang nai-remit ng Philhealth sa gobyerno na ginamit naman sa pagbibigay ng health emergency allowance ng health care workers.
Pero hindi pa rin ito kinagat ng respondents at iginiit na hindi pa rin nito mabibigyang katwiran ang ginawang paglilipat ng pondo na labag sa Saligang Batas.