Pinaburan ng Korte Suprema ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang petisyon na humihiling na i-disqualify si Senator Raffy Tulfo.
Sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi nitong tama ang desisyon ng Comelec na ipawalang bisa ang disqualification case na isinampa ng umano’y dating asawa ni Sen. Tulfo na si Julie Livuo Pearson.
Umakyat si Pearson sa Supreme Court dahil hindi kinatigan ng Comelec ang kanyang akusasyon laban sa senador.
Base sa kanyang petisyon, hindi umano dapat maupo bilang senador si Tulfo dahil nag-convict ito sa kasong libel na may kinalaman sa moral turpitude at ginamit ang programa sa telebisyon para sa illegal advertisement na labag sa Election Code.
Sa desisyon ng Comelec, hindi napatunayan ng nagpakilalang asawa ni Tulfo ang mga alegasyon para ma-disqualify ang senador.
Iginiit din ng Supreme Court na hindi na Comelec ang may hurisdiksyon sa kaso ni Tulfo kundi ang Senate Electoral Tribunal dahil nang isampa ang disqualification case ay naiproklama na ito bilang senador.