Pinayagan ng Korte Suprema ang Sandiganbayan na dinggin ang kaso ni dating Senate President at kasalukuyang Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, pinapayagan nila ang Sandiganbayan na ipagpatuloy ang pagdinig kaugnay sa kasong plunder laban kay Enrile.
Kinakailangan anilang payagan ang prosekusyon na magpresinta ng ebidensiya nang naaayon sa batas.
Noong 2014 nang sampahan ng kasong plunder ng Ombudsman sina Enrile, Janet Lim Napoles at dalawa pang indibidwal dahil sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Kasunod nito, naghain si Enrile ng Motion for Bill of Particulars na layong payagan ang akusado na humiling ng detalye sa prosekusyon upang makapaghanda sa paglilitis.
Ibinasura naman ng Sandiganbayan ang mosyon ni Enrile pero sa desisyon noong August 11,2015 ay ipinag-utos ng SC sa prosekusyon na magsumite ng Bill of Particulars sa ilang bahagi ng mosyon ni Enrile.
Nakita ng Supreme Court na ilan sa hiniling na impormasyon ay kinakailangan sa kaso pero tinutulan naman ito ng kampo ni Enrile.
Subalit ayon pa sa Korte Suprema, hindi dapat limitado lamang sa nasa Bill of Particulars ang ebidensiyang gamit ng prosekusyon.