Naniniwala ang punong mahistrado ng Korte Suprema na posibleng sa katapusan ng taong 2021 ay mayroon na silang pasya hinggil sa mga petisyon laban sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Law.
Ayon kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, umaasa ang Kataas-taasang Hukuman na sa loob ng kasalukuyang taon ay makakabuo na sila ng draft ng desisyon para sa mga petisyon laban sa batas.
Paliwanag ni Gesmundo, ang Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act ay layong pigilan, ipagbawal at parusahan ang mga naghahasik ng terorismo.
Matatandaan na pagkalagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batas noong nakalipas na taon ay marami ang naghain ng mga petisyon laban dito.
Hindi bababa sa 37 ang mga petisyon na inihain sa Anti-Terrorism Law na ipinadedeklarang “unconstitutional” dahil sa mapang-abuso umano ang nabanggit na batas at wala umanong lugar sa isang democratic na bansa gaya ng Pilipinas.
Naisalang na rin ang mga ito sa oral arguments sa Korte Suprema.