
Hiniling ni Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno sa House Committee on Justice na kunin ang kostudiya kay Ramil Lagunoy Madriaga na ngayon ay nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Sa liham kay Batangas Rep. Gerville Luistro na siyang Chairperson ng komite, ay binigyang diin ni Diokno na dapat matiyak ang kaligtasan at availability ni Madriga na isang mahalagang testigo sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Tinukoy ni Diokno na nakapaloob sa ikatlo at ikaapat na impeachment complaints ang sinumpaang testimonya ni Madriaga kung saan niya binanggit na milyong-milyong piso ang kinukuha nilang confidential at intelligence funds alinsunod umano sa utos ni VP Duterte.
Nasa affidavit din ni Madriaga na ang hinggil sa ilegal na droga at ang pagpondo umano ng Philippine Offshore and Gaming Operations (POGO) sa kampanya noon ni VP Duterte.
Bukod dito ay hiniling din ni Diokno sa Justice panel na mag-secure ng mga importanteng dokumento na may kaugnayan sa impeachment complaints tulad ng certified true copies ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni VP Duterte mula 2016 hanggang 2025.
Kasama ding binanggit ni Dionkno ang sertipikasyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na mayroon itong records ng mga kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan kay VP Sara, sa kanyang asawa at ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nais din ni Diokno na mapasakamay ng Justice committee ang records ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagbabanta ni VP Sara sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.










