Kinwestyon ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe ang kredibilidad ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pag-iimbestiga nito sa naging technical glitch sa air traffic management system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 1.
Sa umpisa ng pagdinig ng komite sa naging aberya sa NAIA, pinasaringan agad ni Poe ang DOTr at CAAP na paano naman nangyari na sila ang nag-iimbestiga sa problemang sila rin mismo ang sabit.
Binigyang diin ni Poe na mahalagang matiyak na mayroong ‘impartiality’ o walang kinikilingan dapat sa nangyaring system glitch.
Pinuna rin ni Poe sa pagdinig na tila niyayakap naman ng husto ng NAIA ang pagiging “third most stressful airport” sa buong South East Asia at Oceania Region.
Sa ginaganap na pagdinig ngayon, nais linawin ng mga senador kung ano nangyari at ano talaga ang naging sanhi ng aberya sa NAIA noong Bagong Taon na nakaapekto sa daan-daang domestic flights at libu-libong mga pasahero.
Humarap ngayon sa pagdinig sina Transportation Sec. Jaime Bautista, mga opisyal ng CAAP at iba pang transportation agencies gayundin si dating Transportation Sec. Arthur Tugade.