Kredibilidad ng Senado, posibleng humina sa ginagawang imbestigasyon tungkol sa PDEA leaks

Nagbabala si Senator Jinggoy Estrada na posibleng humina ang kredibilidad ng Senado kung patuloy na hahayaang magsalita si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Agent Jonathan Morales.

Ayon kay Estrada, pawang mga imahinasyon at kasinungalingan ang naririnig kay Morales at wala rin itong maipakitang ebidensya na magpapatunay sa kanyang mga alegasyon na may kinalaman sa ilegal na droga noong 2012 si Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Sa pagdinig ng Senado, mismong dating kasamahan ni Morales na si dating PDEA Chief Dionisio Santiago ang nagsabing kilala si Morales sa kanilang hanay bilang professional STL o professional Story Telling Liar.


Sinabi pa ni Santiago na hindi lang siya kundi maging ang ibang liderato ng PDEA ay binatikos ng dating PDEA agent at pinalalabas na palaging may mali sa mga namumuno.

Samantala, sinabi ni PDEA Acting Director Legal and Prosecution Service Atty. Francis Del Valle na hindi official document ng PDEA ang itinuturong nag-leak na dokumento na kumalat din sa social media dahil wala itong control number na mula sa ahensya.

Facebook Comments