Kredibilidad ni Bikoy, bagsak pa rin para sa 2 senador na kasapi ng mayorya

Nananatiling bagsak ang kredibilidad ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy para kina Senators Panfilo Ping Lacson at Win Gatchalian.

 Ito ay kahit binawi na ni Bikoy ang mga naunang alegasyon na sangkot sa ilegal na droga ang ilang malapit na personalidad at miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 Sa pinakahuling pahayag ni Bikoy ay itinuturo nito ang Liberal Party na nasa likod ng viral video na “ang totoong narcolist” at planong destabilisasyon kay Pangulong Duterte.


Si Lacson ay naninindigan na dapat munang magpresenta si Bikoy ng matitibay na mga ebidensya bago sya paharapin sa pagdinig ng senado.

Sinang-ayunan ito ni Senator Gatchalian sa katwirang madaling magkwento at mag-akusa pero importante ay may ebidensya itong maipapakita. 

Diin pa ni Gatchalian, punung puno ng hindi pagkakatugma ang mga kwento ni Bikoy.

 Inihalimbawa ni Gatchalian ang isiniwalat nitong may tattoo sa likod si Senator Elect Christopher Bong Go pero wala naman pala at pagdadawit sa 14-anyos na anak ng Pangulo sa ilegal drug trade.

Facebook Comments