Ipinagmalaki ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bumaba ng 47-porsyento ang crime volume sa bansa nang ipatupad ang lockdown sa buong bansa bunga ng COVID-19 pandemic.
Sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF), binanggit ni Interior Secretary Eduardo Año ang datos mula sa Philippine National Police (PNP) kung saan 16,879 ang naitalang crime incidents mula March 17 hanggang sa kasalukuyan.
Halos kalahati ang ibinaba nito kumpara sa 31,661 crime incidents na naitala mula September 2019 hanggang March 2020.
Dagdag pa ni Año, bumaba rin ang insidente ng robbery ng 61%, 66% sa vehicle theft habang 61% sa motorcycle theft.
Bumaba ng 22% ang kaso ng murder habang 24% ang ibinaba sa kaso ng rape.
Sinabi ni Año na ang pagbaba ng krimen ay resulta ng pinaigting na police visibility at maayos na coordination sa Local Government Units (LGU).