Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng pagbaba sa krimen ngayong taon kumpara noong nakalipas na taon sa kaparehong panahon.
Sinabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na base sa datos ng Directorate for Investigation and Detective Management 14.42% ang ibinaba ng krimen o 9,108 cases kumpara sa 10, 643 cases noong December 1 – 20, 2021.
Kabilang sa mga krimeng bumaba ay ang eight focus crimes na kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, robbery, theft, vehicle theft, motorcycle theft, at rape.
Aniya, kung ikukumpara nuong nakalipas na taon nasa 2,330 ang naitalang focus crimes habang ngayong 2022 ay bumaba ito sa 1,636.
Paliwanag ni Azurin ang pagbaba ng krimen sa bansa ay bunsod ng maximum deployment ng mga PNP personnel sa buong bansa lalo na ngayong holiday season.
Kasama din dito ang pagpapatupad ng KASIMBAYANAN Program at ang agresibong kampanya kontra ilegal na droga na BIDA Program (Buhay ay Ingatan, Droga’y Ayawan) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).