Kriminal, nahuli matapos yayain magpakasal ng babaeng pulis

Naaresto ang isang matagal nang pinaghahanap na kriminal sa Madhya Pradesh, India, matapos itong mahulog sa patibong ng mga pulis na pekeng kasalan.

Nahuli na si Balkishan Chaubey na mayroong 16 kasong kriminal, kabilang ang pagpatay sa nakalipas na nakaraang taon, ayon sa Hindustan Times.

Mayroon na ring pabuyang 10,000 rupees (nasa P7,000) na nakapatong sa ulo nito, ngunit nakakaiwas pa rin sa tuwing sinusubukang hulihin.


Hanggang sa mapag-alaman ng pulisya na naghahanap ng mapapangasawa ang 55-anyos dahilan para mabuo ang plano na pinangunahan ng babaeng sun-inspector.

Gamit ang inihandang SIM card at ibang pagkakakilanlan, tinawagan ng babaeng pulis si Chaubey at nagkunwaring nagkamali ng napindot na numero.

Nagtanong muna ang kriminal ng tungkol sa babae at sinuri pa ang numero bago tumawag pabalik.

Makalipas ang isang linggong pag-uusap ng dalawa, inalok na ng undercover na pulis si Chaubey na magpakasal.

Nagplano ang dalawa na magkita sa isang templo sa Bijouri para sa seremonya ng Roka o ritwal na ginagawa bago ang kasalan sa India.

Dumating ang sub-inspector na nakasibilyang damit kasama ang iba pang puiis at inaresto ang kriminal.

Agad iniharap sa korte si Chaubey noong Biyernes at ikinulong matapos hindi pahintulutang magpiyansa.

Facebook Comments