Dapat nang magdeklara ang pamahalaan ng “education crisis”.
Ito ang sinabi ni Vice President Leni Robredo matapos ilabas ng World Bank ang kanilang report ukol sa mababang sistema ng edukasyon sa bansa, bagay na tinabla ng Department of Education (DepEd).
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na mahalagang magkaroon ng ganitong deklarasyon para agad itong maresolba.
Binanggit din ni Robredo ang datos mula sa National Achievement Test (NAT) ng mga nasa Grade 10 level kung saan nasa isang porsyento lamang ng junior high school students ang proficient o mahusay sa Mathematics, tatlong porsyento sa English, at isang porsyento sa Science.
Marami na aniyang education groups ang nag-uulat ng mababang kalidad ng edukasyon sa bansa gamit ang datos mula sa iba’t ibang assessment bodies.
Lumabas din sa assessment mula sa Asian Foundation na 34,500 schools sa Pilipinas ang walang internet access habang 5,000 ang walang kuryente.
Sa halip na mag-demand sa World Bank ng apology, binigyang diin ni Robredo na dapat nakatuon ang DepEd sa pagsasaayos ng problema sa sektor ng edukasyon.