Krisis sa edukasyon, inaantabayanan matalakay rin ng pangulo sa kanyang SONA

Umaasa si Senator Sherwin Gatchalian na matatalakay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang State of the Nation Address o SONA sa Lunes ang krisis sa edukasyon ng bansa.

Ngayong bago na aniya ang kalihim ng Department of Education (DepEd) sa katauhan ni Secretary Sonny Angara, inaasahan aniyang magbibigay ng marching orders sa basic education sector si Pangulong Marcos sa mismong araw ng SONA.

Sinabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, umaasa siyang tatalakayin ng pangulo sa kaniyang SONA ang mga repormang kinakailangan para iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa at tugunan ang krisis na bumabalot sa nasabing sektor.


Mahalaga aniyang pagkakataon ang SONA para talakayin ang mga kinakailangang reporma sa edukasyon lalo’t may bagong liderato ng DepEd.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa bagong DepEd chief na gawing “job ready” ang mga nagtapos ng senior high school (SHS) kaya naman para matupad ito ay isinusulong din ni Gatchalian ang “Batang Magaling Act” na layong ihanay ang senior high school program sa pangangailangan ng merkado sa workforce na tinukoy ng mga ka-partner sa industriya at ahensya ng gobyerno.

Facebook Comments