Iginiit ni Senator Leila de Lima sa Department of Education (DepEd) na huwag magbulagbulagan at sa halip ay tanggapin at solusyonan ang katotohanan na nasa krisis ang edukasyon sa bansa.
Pahayag ito ni De Lima kasunod ng report ng World Bank (WB) na nasa krisis ang ating edukasyon na binawi rin agad makaraang umalma ang DepEd at Malakanyang dahil hindi daw sila nakunan ng panig.
Diin ni De Lima, malinaw pa sa sikat ng araw na ang kalunos-lunos na estado ng edukasyon sa Pilipinas ay higit pang lumala sa ilalim ng pandemya.
“Malinaw pa sa sikat ng araw na ang kalunos-lunos na estado ng edukasyon sa Pilipinas ay higit pang lumala sa ilalim ng pandemya,” ani De Lima.
Sabi ni De Lima, patunay nito ang daing ng mga estudyante na nahihirapang matuto sa distance learing dahil sa kawalan ng electronic gadgets at kawalan din ng access sa internet.
“Ang mga kabataang Pilipino ang maghihirap sa patuloy na pagwawalang bahala sa nakakapanlumong estado ng edukasyon sa ating bansa,” dagdag pa ng senadora.
Binanggit din ni De Lima ang pagdodoble-kayod ng mga guro sa pagbuo ng learning modules at pagdukot na sa sarili nilang bulsa para lang mairaos ang online classes.
Tinukoy din ni De Lima ang mga magulang na nahihirapan sa pag-aktong guro sa kanilang mga anak habang nahaharap sa iba’t ibang hamong hatid ng pandemya para matustusanang ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Diin ni De Lima, ang lahat ay nag-a-adjust sa kalidad ng edukasyon na meron tayo maliban sa ating mga leaders at opisyal ng gobyerno na patuloy na nagwawalang bahala sa nakakapanlumong estado ng edukasyon sa Pilipinas.
“Tama na po ang pagbubulag-bulagan. Huwag sana nating pagkaitan ng pagkakataon ang mga kabataang Pilipino na maging pag-asa ng ating bayan,” sambit ni De Lima.