Krisis sa langis, dapat nang panghimasukan ni Pangulong Duterte

Hinimok ng Kamara si Pangulong Rodrigo Duterte na manghimasok na sa “krisis sa langis” sa bansa.

Sa House Resolution 2529 na inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay umaapela ang Kamara na pumagitna na sa usapin ng napakataas na presyo ng langis ang pangulo.

Nakasaad din sa resolusyon ang apela sa presidente na suportahan na ang mga panawagan na pansamantalang pagsuspindi sa “excise tax” ng mga produktong petrolyo.


Katwiran pa sa resolusyon, ang suspensyon ng excise tax ay magbibigay ng kaginhawaan sa publiko at mga sektor; at magkakaroon din ng “domino effect” para maibaba ang halaga ng mga bilihin at serbisyo.

Matatandaang kinontra ng mga economic managers ang panukalang suspensyon sa excise tax at nagpasya ang pamahalaan tulungan na lamang ang mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng ayuda, at “fuel subsidy” para sa mga sektor na apektado.

Patuloy pa rin ang panawagan ng mga kongresista kay Pangulong Duterte na magpatawag ng special session para matalakay at mapagtibay ang panukala para sa excise tax suspension, pero hanggang ngayon ay wala pang anunsyo o desisyon hinggil dito.

Facebook Comments