Idineklara na ng House Committee on Housing and Urban Development ang housing crisis sa bansa.
Ito’y matapos na umakyat sa 6.7 million bahay ang kailangang maitayo hanggang sa taong 2022.
Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Housing and Urban Development Chairman at Negros Occidental Representative Francisco Benitez, na inaprubahan ang isang substitute resolution na nagdedeklara ng housing crisis na layong hikayatin ang mga housing agencies na i-streamline o madaliin ang housing production at pamamahagi ng mga pabahay sa mga benepisyaryo.
Tinukoy rin ng mambabatas na ang inefficiencies at red tape sa pamahalaan ang pangunahing hamon na kinahaharap sa sektor ng pabahay sa bansa.
Maliban dito ay napakaliit din ang inilalaan ng gobyerno na pondo sa pabahay na nasa 0.74% lamang ng national budget mula 2010 hanggang 2021.
Ipinunto naman ni San Jose Del Monte City Representative Florida Robes, Vice Chairperson ng komite at may-akda ng resolusyon, ang paglago ng populasyon, urban-rural migration at mataas na presyo ng lupa sa lungsod ang dahilan ng pagdami ng informal settlers.