Iginiit ni Kabataan Rep. Sarah Elago na magsilbing wake-up call sa administrasyong Duterte ang transport crisis sa bansa.
Ito ang pahayag ng kongresista kasunod ng pagtanggap ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa commute challenge na gagawin nito bukas matapos ang katwiran nito na pumasok ng mas maaga at umuwi din ng maaga para makaiwas sa matinding traffic ang publiko.
Ayon kay Elago, higit sa hamon ay isa itong collective demand sa pamahalaan na pakinggan ang araw-araw na hirap ng publiko sa kanilang pagbyahe.
Higit pa aniya sa isyu ng convenience ang krisis sa transportasyon at traffic congestion sa bansa dahil nakakaapekto na rin ito sa productivity, kita ng gobyerno at maging sa isipan at kalusugan ng publiko.
Nanawagan si Elago tigilan na ang sisihan at pagtuturo sa korapsyon at katiwalian at sa halip ay kumilos ang pamahalaan para i-nationalize at ayusin agad ang mass transit system sa bansa tulad ng MRT at LRT.