Kritiko ng programa para sa mahirap, pinahihinto sa serbisyo ni Pacquiao

Image via AP

Tumigil na kayo sa pagseserbisyo. Wala kayong kwenta para sa taumbayan.

Ito ang tahasang reaksyon ni Senador Manny Pacquiao sa mga pulitikong mahilig kumontra sa mga platapormang isinusulong ng gobyerno para sa mahihirap.

Sa kaniyang talumpati noong Miyerkules, pinasaringan ni Pacquiao si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman hinggil sa pahayag nito tungkol sa Malasakit Center na proyekto ni Senador Christopher “Bong” Go.


Kamakailan, kinuwestiyon ni Lagman ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung bakit pinopondohan ng naturang ahensiya ang programa ni Go.

“Masakit lang isipin na ang programa na para sa mahihirap tapos may mga tao na komokontra…. Hindi ko maintidihan ‘yung mindset ng mga politiko dito sa Pilipinas, Mr. President,” ani ‘Pambansang Kamao’.

“Kasi pagka maganda ‘yung ginagawa para sa mga mahirap, dahil kalaban ka, kokontrahin ka. E nakakabuti naman sa taumbayan. Kaya wala ng progreso, walang kaunlaran ang bansa natin…” dagdag pa ng mambabatas.

Sinariwa din ni Pacman ang hirap na pinagdaanan noon, katulad na lamang ng pagkain ng isang beses kada araw.

Ngayon, isa na siyang sikat na bilyonaryo at pangalawa sa pinakamayamang miyembro ng Senado.

Ayon pa kay Pacquiao, handa siyang isuko ang kaniyang kayamanan para matulungan ang mga kapus-palad na Pinoy.

“Hindi ako greedy person na itatago ko ‘yung yaman ko. ‘Pag namatay ako, hindi ko madadala yan,” he said. “We came to this world naked and we will depart alone and naked.”

“Wala tayong madadala. Iiwanan natin lahat ‘yan. Sayang ‘yung pera o kayamanan mo na nakatago lang sa bahay o sa bangko kung hindi mo tinutulong sa kapwa mo. ‘Pag namatay ka, iiwanan mo lang ‘yun. Dapat ma-realize nating lahat ‘yan,” giit niya.

Facebook Comments