Naniniwala si Manila 3rd district Rep. Joel Chua na pinupuna ni Vice President Sara Duterte ang paraan ng pagtugon sa kalamidad ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., upang pagtakpan ang kanyang pagbiyahe sa Germany sa kasagsagan ng pananalasa ng super typhoon Carina.
Kaugnay ito sa pahayag ni VP Sara na walang flood control masterplan ang administrasyong Marcos kaya nararanasan ang matinding pagbaha iba’t ibang panig ng bansa kasama ang Davao City.
Sabi naman ni Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, dapat ay natugunan na ng mga Duterte ang problema ng pagbaha dahil sa tagal nila sa puwesto.
Ayon naman kay 1-Rider Party list Rep. Rodge Gutierrez, ang mga Duterte ang dapat magpaliwanag kung ano ang nangyari sa pondong inilaan sa flood control program kasama ang Davao o buong Mindnao.
Ipinaalala naman nina Zambales Rep. Jefferson Khonghun at La Union Rep. Francisco Paolo Ortega ang pagbabakasyon ni VP Duterte at kanyang pamilya sa Germany habang naghihirap ang maraming Pilipino bunsod ng pananalasa ng super typhoon Carina.
Iginiit naman ni Taguig 2nd District Rep. Pammy Zamora kay VP Sara na tumulong sa gobyerno sa halip na pag-aksayahan ng panahon ang paninisi na hindi naman makapagpapabuti sa programa at proyekto ng pamahalaan.