Manila, Philippines – Pinagtibay ng Supreme Court ang naunang desisyon ng Sandiganbayan na kumpiskahin ng pamahalaan ang mahigit P220-million na halaga ng ari-arian ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. at maybahay nitong si Lani Mercado.
Kaugnay ito ng plunder case ng dating Senador sa Anti-graft court na nag-ugat sa pork barrel fund scam.
Ayon sa SC, walang naging pag-abuso ang Sandiganbayan nang mag-isyu ito ng “writ of preliminary attachment” sa P224.5-million na salapi at ari-arian ng mag-asawang Revilla.
Taong 2015 nang mag-isyu ang Sandiganbayan ng attachment para ma-secure ang assests ng mga Revilla sakaling manalo ang pamahalaan sa kaso .
Samantala, pinagtibay din ng SC ang desisyon ng Sandiganbayan na nagbabasura sa bail petition ng mga akusadong sina Richard Cambe at pork barrel scam queen Janet Lim Napoles.
Hindi kasama sa desisyon ng SC ang bail petition ni Revilla dahil nauna na nitong iniurong ng dating Senador.
Nauna nang ibinasura ng anti-graft court ang bail petition ni Cambe matapos nitong bigyang bigat ang testimonya ng mga testigo na nagdiin sa kanya sa pagtanggap ng P103-million para kay Revilla kapalit ng pag-endorso nito sa mga pekeng NGO ni Napoles.
Ikinonsidera naman ng SC sa kanilang desisyon ang report ng Anti-Money Laundering Council o AMLC na nagsasabing si Napoles ang may kontrol sa pekeng NGO nito.
Mananatili pa rin sa PNP Custodial Center sina Revilla at Cambe dahil sa desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa naunang ruling ng Sandiganbayan.
Partikular ang pagbasura sa apela ng Ombudsman na mailipat ang mga ito sa kustodiya ng BJM.