Itinuwid ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang ipinakakalat na kulang sa gawa si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na aniya’y mahusay na halimbawa ng isang mabuting lider kaya hindi patas ang pasaring sa kanya dahil sa limang dekada niyang pagsisilbi para sa bansa.
May pamagat na “Kakamping”—tawag sa mga supporter ni Lacson—ang post ni Remulla sa kanyang opisyal na Facebook page kung saan inilahad niya ang bahagi ng panayam ng talk show host na si Boy Abunda sa isang presidential candidate na isinalarawan ang kandidato ng Partido Reporma na “maraming salita, pero kulang sa on the ground na gawa.”
“To describe him as ‘all talk and no action’ is an injustice to the man who embodies ‘leadership by example’ with 50 years of public service from law enforcement, legislation and humanitarian work,” pagbibigay-diin ng gobernador.
Naniniwala si Remulla na walang ibang kandidato sa pagkapangulo ang may pinakamalawak na karanasan bilang lingkod bayan, maliban kay Lacson.
Inilista pa niya ang mahabang karera ng presidential candidate ng Partido Reporma simula sa Philippine Military Academy, pagiging police commander sa iba’t ibang rehiyon, bago naging hepe ng Philippine National Police hanggang maging senador.
“Kung may kandidato man na siyang pinakamalawak ang karanasan bilang isang tunay na serbisyo publiko, walang iba kundi si Sen. Ping ‘yon,” aniya.
Paglilinaw ni Remulla, hindi isang endorsement ang pagtatanggol niya sa reputasyon ni Lacson, ngunit bilang isang kapwa Caviteño at personal na nakakita sa mga nagawa ng batikang public servant ay inihayag niya ang kanyang opinyon kaugnay sa papalapit na Halalan 2022.
“Dito sa Cavite, malaya ang mga registered voters na pumili kung sinong kandidato ang iboboto nila. Walang pilitan, impluwensya at lalong walang mind conditioning. Hindi uso sa Etivac ang kathang-isip ng iba dyan,” ani Remulla.
Pahayag pa ni Remulla sa ibang kandidato, “Sana maalala ni VP Leni ang aking payo sa kanya: That no matter what happens, please do not give in to the hate.”
“The same goes to her supporters. The best way to champion your candidate or political stand is not through hate and divisiveness. You can never convince other people to join your cause if all you do is look down, insult, ridicule and alienate those who do not share the same views as you. Let’s just all agree to disagree,” dagdag ni Remulla. ###