KULONG | 4 na suspek sa Child Labor at Human Trafficking dinampot ng NBI

Inaresto ng mga tauhan National Bureau of Investigation (NBI) International Operations Division ang apat na indibiduwal dahil sa kaso ng Human Trafficking and Child abuse.

Nakilala ang mga suspek na sina Justine Co, Marylou Olivay, Merrycar Bautista at Vivian Pula ng Ever Fortune Recycle Corporation na nagri-recycle ng mga plastic na nasa Carmona, Cavite.

Ayon sa dalawang complainant na kapwa trabahador sa kumpanya, ang mga menor de edad nilang mga anak na nagkakaedad nang mula 8 hanggang 16 ay inoobliga ng manager na si Justine Co na magtrabaho upang ipambayad ang suweldo sa tinitirhan nilang bahay na nasa bakuran ng kumpanya na pag-aari rin ng Ever Fortune.


Paliwanag ng mga complainant na wala silang opsyon kundi payagan ang kanilang mga anak na magtrabaho dahil pinipilit sila ng mga suspek.

Ang apat ay isinalang na sa inquest proceeding kaugnay sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Facebook Comments