Manila, Philippines – Pinatawan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 13 ang dalawang akusado sa kaso ng pagbebenta ng ilegal na droga sa Plaza Sta. Cruz Manila tatlong taon na ngayon ang nakalilipas.
Base sa desisyon ni Judge Emilio Rodolfo Legaspi III bukod sa habambuhay na pagkabilanggo ay inatasan din sina Johary Hadji Noor at Amir Salong na magmulta ng tig-kalahating milyong piso matapos mapatunayan ng Korte na nilabag nila ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 Section 5.
Matatandaan na nasakote ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang akusado matapos na magbenta ng 501.1 gramo ng shabu sa mga ahente ng PDEA noong alas 9 ng gabi ng Hulyo 6, 2015.
Mariin naman pinabulaanan ng nina Noor at Salong ang akusasyon laban sa kanila dahil naglalakad lamang sila sa Arrangque Street Sta. Cruz, Manila papauwi sa kanilang bahay sa Quiapo Manila alas 1:30 ng hapon noong 2015 nang arestuhin sila ng mga nakasibilyan na indibidwal pagkatapos ay isinakay sa Toyota Vios at dinala sa Quezon Avenue saka hiningan ng isang milyong piso kapalit ng paglaya pero hindi nila naibigay ang kahilingan ng mga umaaresto sa kanila kaya sila ay dinala sa Headquarters ng PDEA at kinasuhan.
Ibinasura naman ng Hukom ang depensa ng dalawang akusado na itinuring ni Judge Legaspi na alibi lamang ng mga akusado dahil napatunayan ng mga saksi at dokumentong inihain ng panig ng prosekusyon na sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga sina Noor at Salong.