KULTURANG KATUTUBO, BINUHAY MULI NG MGA KABATAAN AT KOMUNIDAD SA BAYAMBANG

Hindi lang ito simpleng seminar, kundi isang mahalagang karanasan‎ para sa mga kalahok ang isinagawang libreng lecture-workshop ng grupong Katutubo Exchange Philippines (KXPH) sa Bayambang na naglalayong muling buhayin ang koneksyon ng komunidad, lalo na ng kabataan, sa mayamang kulturang katutubo ng bansa.


Sa temang “Pagkain, Panitikan, at Pamana: A Lecture-Workshop on Filipino Cultural Heritage,” isinagawa ang aktibidad sa Municipal Museum bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Literature Month at Filipino Food Month na pinangunahan ni Dr. Edwin Antonio, isang opisyal ng National Commission on Culture and the Arts at batikang cultural worker na tubong Bayambang.


Tampok dito ang iba’t ibang gawain tulad ng pagtikim at pagtalakay sa mga katutubong pagkain gaya ng balikutsa at pokpolo mula Ilocos Norte, pagsulat ng baybayin, paglalaro ng tradisyunal na larong hin’nukting ng mga Ifugao, at pagpapakita ng mga etnikong kasuotan tulad ng inabel at t’nalak.


Binigyang diin sa aktibidad ang papel ng mahigit 280 ethnolinguistic groups sa pagpapanatili ng iba’t ibang tradisyon sa bansa.


Hindi lamang umano kaalaman ang ang naibahagi kundi pati na rin ang mas malalim na pagpapahalaga sa sariling kultura upang ito ay mapanatili at maipasa pa sa susunod na henerasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments