
Tiniyak ng Bureau of Corrections (BuCor) na handa na ang kanilang kulungan o pasilidad para kay dating Bamban Mayor Alice Guo at iba pang indibidwal.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., mahigpit ang seguridad na ipinatutupad sa Correctional Institution for Women (CIW), kung saan ililipat si Guo matapos hatulang reclusion perpetua ng Pasig Regional Trial Court dahil sa qualified human trafficking.
Sinabi naman ni CIW Corrections Technical Superintendent Marjorie Ann Sanidad na nagtalaga na sila ng karagdagang Corrections Emergency Response Team upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa loob ng pasilidad.
Naka-on-call status na rin ang lahat ng tauhan simula kahapon.
Paliwanag ni Sanidad, bilang bahagi ng standard operating procedure, pagdating ng PDL na si Guo sa CIW ay tatanggapin siya ng isang itinalagang Receiving Officer sa Reception and Diagnostic Center (RDC).
Kabilang sa unang proseso ang pag-verify ng kanyang mga dokumento at kagamitan bago siya isailalim sa limang araw na quarantine, kung saan isasagawa ang masusing medical examination.
Pagkatapos nito, ililipat siya sa regular dormitory ng RDC para sa mandatory orientation, diagnostics, at qualification.
Matapos ang 60-day na proseso sa RDC, ililipat siya sa kanyang regular dormitory sa Maximum Security Camp dahil sa hatol na panghabambuhay na pagkakakulong.
Binigyang-diin ni Catapang na ang 55-araw na assessment period matapos ang limang araw na quarantine ay napakahalaga upang matukoy ang pangangailangan ng bagong PDL.









