Thursday, January 15, 2026

Kumakalat na AI generated images, tinawag na fake news ng BOC

Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko hinggil sa kumakalat na pekeng balita at AI-generated content sa social media na gumagamit ng hindi awtorisadong mga larawan ng mga kawani nito.

Una nang itinanggi ng BOC ang kumakalat na post na nagsasabing may tangkang pangingikil umano sa isang umuuwing Overseas Filipino Worker (OFW) saka nilinaw na wala silang ganitong uri ng insidente kung saan nasasangkot ang mga tauhan ng ahensya.

Pinasinungalingan din ng BOC ang mga post na gumagamit ng larawan ng kanilang mga tauhan upang magpahiwatig ng pang-aabala sa mga pasahero at bagahe.

Iginiit rin ng BOC na ang naturang paggamit ng mga larawan ay walang pahintulot at lumalabag sa Data Privacy Act of 2012.

Layunin ng mga naturang pekeng post na linlangin ang publiko, magpanggap bilang mga opisyal, at sirain ang kredibilidad ng ahensya.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon.

Facebook Comments