
Mariing pinabulaanan ng Malacañang ang umano’y kumakalat na dokumento sa Senado ng P150 billion na isiningit na pondo o pork barrel sa 2025 national budget.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ngayon lang anila narinig ang balita tungkol sa sinasabing dokumento, pero hindi ito itinuturing na isyu ng Malacañang dahil wala namang nakakarating na kopya o sumbong sa kanila.
Batay sa umiikot na dokumento sa Senado, bilyon- bilyong pisong pork barrel funds ang inilaan sa ilang lugar tulad ng Bulacan na may P12 billion, Sorsogon na may P9 billion, Mindoro na may P8 billion, Batangas na P7 billion, at iba pa.
Nauna na ring sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na dumaan sa masusing pagbusisi ang 2025 national budget bago ito pinirmahan para matiyak na walang nakasingit na mga hindi awtorisadong proyekto at programa sa national budget.









