Kumakalat na post kaugnay ng programa ng DILG na pamamahagi ng cash assistance, ibinabala

Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko kaugnay sa kumakalat na post na nagbibigay sila ng cash assistance.

Sa naturang post, puwedeng makatanggap ang isang residente ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 na halaga ng tulong sa DILG sa pamamagitan ng pagpirma ng barangay form at pag-contact sa hindi beripikadong mobile numbers.

Ayon sa DILG, ito ay walang katotohanan dahil walang programa o direktiba na inilalabas ang ahensiya kaugnay rito.

Ang mga nakalista umanong mobile number sa post ay hindi konektado sa ano mang lehitimong programa ng gobyerno.

Dahil dito, pinayuhan ng DILG ang publiko na huwag magbigay ng personal na impormasyon at huwag pumirma ng ano mang dokumento base lamang sa social media posts na hindi naman beripikado.

Kasabay nito, tiniyak ng DILG na mananagot sa batas ang mga sangkot sa pagpapakalat ng naturang pekeng impormasyon.

Facebook Comments