CAUAYAN CITY – Mariing pinabulaanan ng Department of Labor and Employment Region 02 ang kumakalat ngayon sa social media na TUPAD Cash Assistance Program.
Sa kumakalat na post, nakasaad dito na ang bawat estudyante, mula sa pribado at pampublikong paaralan ay makakatanggap ng halagang P6,000 mula sa programa ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sa pamamagitan naman ng isang announcement, sinabi ng DOLE na ang nasabing post ay walang kaugnayan sa TUPAD program at sa Presidente.
Ito ay isang estilo ng mga scammers sa internet at lubos na ikinababahala ng ahensya ang posibleng mabiktima ng ganitong panloloko.
Iginiit din ng DOLE na ang TUPAD ay para lamang sa mga displaced workers o walang pinagkakakitaan at sa loob ng sampung (10) araw na pagtatrabaho ng mga ito ay doon lamang sila makatatanggap ng halaga na nasa P4,500.