Mariing pinabulaanan ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO1) ang kumakalat online na umano’y maling impormasyon ukol sa mga ipinamahaging Family Food Packs ng tanggapan.
Sa ilang nagsisilabasang larawan at video online, sa halip umanong pagkain na laman ng FFPs ay pinapalitan umano ito ng gadgets at alak.
Sa naganap na La Union Agkaysa: Talks and Thoughts from the Capitol, inihayag ni DSWD FO1 Regional Information Officer Kristine Sheila T. Amoroso na walang katotohanan ang mga ito.
Binigyang-diin nito na ang bawat FFPs ay mayroong 6 kgs ng bigas, tig-apat na lata ng corned beef at tuna, dalawang canned sardines at sampung sachet ng ready-to-drink mix.
Samantala, patuloy na nakahanda ang pamunuan pagdating sa mga relief operations lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa datos ng ahensya, naipamahagi na ang 145 694 FFPS sa mga pamilyang apektado ng nagdaang Bagyong Emong. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









