Nagpaliwanag ang Presidential Communications Office (PCO) sa kumakalat na edited video kung saan makikita ang isang indibidwal na may iniabot na bagay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang nasa isang pagtitipon.
Dahil dito, naglitawan ang mga haka-haka mula sa netizens, tulad na lamang ng kaisipang ang iniabot na bagay ay isang sachet na may lamang “white substance”.
Ayon sa PCO, sinadyang putulin at i-blur ang video para mabigyan ng maling konteksto.
Paliwanag ng ahensya, ang iniabot na bagay ay isang lapel pin na may simbolo ng kanilang politikal na partido, at ang nag-abot nito ay isang sibilyan na naghihintay na makapagpa-selfie sa pangulo.
Ginagamit anila ng ilang indibidwal ang mga ganitong uri ng content para magpalaganap ng maling naratibo.
Paalala naman ng PCO sa publiko na mag-isip, magsaliksik, alamin ang buong kwento, obserbahan ang mga detalye, at huwag magpaloko sa fake news.