Nalinawan na ng Southern Police District ang kumalat na larawan sa Facebook hinggil sa selebrasyon ng piyesta ng Sta. Clara sa Baclaran, Parañaque.
Ayon kay SPD Director Police Brig. General Jimili Macaraeg, nakausap na nila si Brgy. Baclaran Chairman Jun Zaide kung saan sinabi nitong isang throwback picture ang nai-post na karakol ng imahe ng Sta. Clara.
Inamin din daw ni Kapitan Zaide na siya ang nag-post ng larawan bilang pag-alala sa nakalipas na selebrasyon.
Idinagdag pa ni Chairman Zaide na ginawa niya ang pag-post ng throwback pictures para himukin na rin ang kanyang nasasakupan na ipagdiwang na lamang ang okasyon sa kani-kanilang mga tahanan.
Ginagawa na ng SPD ang formal investigation report kalakip ang paglagda ng barangay chairman bago isumite sa tanggapan ni PNP Chief Police General Guilermo Eleazar at ni NCRPO Chief Major General Vicente Danao Jr.
Una nang ipinag-utos ni Eleazar sa director ng NCRPO at SPD na imbestigahan ang kumakalat na picture na may nangyaring kapistahan at karakol sa Baclaran, Parañaque kung saan mayroong mga bata ang nakiisa sa selebrasyon nang walang suot na face mask.