KUMBINSIDO | Gordon, kumbinsidong pinaglagyan ng shabu ang magnetic lifters na nakita sa Cavite

Manila, Philippines – Buo ang paniniwala ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na pinaglagyan ng shabu ang apat na magnetic lifters na wala ng laman ng makita ng mga otoridad sa isang bodega sa Cavite noong August 9.

Basehan ni Gordon ang testimonya sa pagdinig ng senado ni Robert Cantemprate, anak ng may-ari ng bodega at ni Eric Rodelas na nangangasiwa sa bodega.

Sa pagdinig ay kanilang ikinuwento na may pitong Chinese nationals na pumasok sa bodega noong July 13 at apat na oras na nanatili ang mga ito sa bodega habang sarado ang gate.


Ayon sa dalawa, pagbalik nila ay wala ng laman ang magnetic lifters.

Ipinunto din ni Gordon na ang nabanggit na magnetic lifters ay kapareho ng magnetic lifters na nasabat sa Manila International Container Port (MICP) na may lamang 3.4 billion pesos na halaga ng shabu.

Sa pagdinig ay humarap din si Lourdes Mangaoang, customs deputy collector for passenger service na nagsabing hindi sinunod ng customs ang Standard Operating Procedure o SOP nang idinaan sa x-ray machine ang nabanggit na mga kontrabando.

Ipinakita din ni Mangaoang ang litrato ng x-ray kung saan banaag ang pagiging hallow o hungkag ng magnetic lifters.

Giit ni Mangaoang, dapat ay binuksan ang ito at idinaan sa physical inspection para makita ang loob ng magnetic lifters.

Pero dahil hindi iyon nagawa, ay nailabas ng malaya ang nabanggit na magnetic lifters at nadala pa sa Cavite.

Facebook Comments